Saturday, December 29, 2012

KRISPY KREME




Bakit ba ang sarap hanapin ang mga bagay na wala tayo?
Bakit ba ang sarap balewalain ang mga bagay na meron tayo?


Ganyan na ba talaga tayo kabobo? Maghahanap ng wala tapos itatapon kung ano ang meron?

Sabi nila, ang mga taong matalino, ginagamit ang utak. Nag-iisip. Pinapakiramdaman ang nakapaligid. Eh pano yung mga taong puso ang ginagamit? Maituturing ba talaga natin silang bobo, ulol o stupid?

O sila talaga ang mga totoong matalino? Mga totoong nakakaramdam ng kasiyahan at pagkabuo?

Ang buhay daw, parang doughnut lang. Hindi sa butas hinahanap ang sarap. Hindi naghahanap sa kakulangan, kundi nilalasahan ang laman.

Ang mga matatalinong tao raw, ginagamit kung ano ang meron sila. Hindi masyadong naghahanap dahil lahat ng bagay, mapapakinabangan nila.

"Kung ano ang nasa'kin, ok na." 

Kuntento na sa kung anong nasakanila. Walang pakialam kung ayaw o gusto. 

Basta meron, Ok na.

Ang saya siguro ng buhay kung ganito tayo lahat, noh? Matalino. Marunong makuntento. Hindi reklamo nang reklamo.

Ok na ok sana.

Kaso nga lang, natuto ang tao.

Natutong maghanap ng kung anong wala s'ya. Natutong ipaglaban ang mga bagay na 'to kahit nasasaktan na. Natutong magsikap kahit walang kasiguruhang may makukuha sa hulihan. Natutong kiligin sa mga taong malayo ang tirahan. Natutong magpacute sa taong napupusuan. Natuto tayong magmahal. Natuto kaya naging bobo.

Pero 'wag mag-alala kung nagmamahal ka. Ok lang na bobo ka. Dahil minsan, ang kabobohan ng tao, ang nakapagbibigay ng kung ano talaga ang gusto nito. Ang nakapagbibigay ng tiwala sa sarili. Nakapagbibigay pag-asa't inspirasyon.

At higit sa lahat, ang nakakabobong pagmamahal ang nakapagpapasaya saatin.

Oo nga. Doughnut ang buhay. Dapat makuntento sa kung anong meron. Di dapat maghanap ng sarap sa butas.

Pero kung iisipin natin, dahil sa mga taong nagmamahal sa doughut at naghanap ng sarap sa butas, nagkaroon ng mga doughnut na buong buo. Kumpleto.




Kaya bakit ipagbabawal ang nawawalang gusto, kung kayang-kaya namang punuan ito?

Bakit kailangan pigilan ang mga taong gusto lang naman makuha yung mga bagay na makakapagpasaya sakanila, lalo't lalo pa kung wala namang natatapakan?

Bakit? Kasi lahat tayo, feeling matalino. Feeling perpekto. Pinapakitang kuntento kahit na 'di naman nakuha ang gusto. 'Yan ang bobo. Pinapaniwala sa kasinungalingan ang sarili at niloloko.

Hay buhay.

Sarap ng doughnut.